Impeksyon
ni Amy Luz U. Catalan
I. Ang Pasimula
Nang unang dumating ang balita na may corona virus sa kanilang siyudad, agad na nagsabi ang kanilang Meyor na handa ang kanyang gobyerno na suportahan ang lahat ng mga pamilya sa San Roque. Mayroon daw nakatagong pera na inilaan sa mga hindi inaasahang pangyayaring tulad nitong pandemya.
"Mabuti naman kung ganoon, " ang sabi ni Miya sa kanyang kabiyak at tatlong anak. Sa kabila ng pangambang marami ang maapektuhan ng sakit na ito, maaari ring magkagulo kapag nagutom ang mga tao.
"Nabigyan na rin kami ng abiso ng aming head tungkol sa sakit na ito kabilang na ang mga departamentong medikal at maintenance. Naghahanda na rin kami ng lahat ng mga gagamitin sakaling dumami na ang maysakit dito sa atin, " paliwanag pa niya sa kaniyang pamilya.
"Mama, nakakatakot ba iyan?, " ang humihingal na tanong ng kanyang bunsong anak na inatake na naman ng kanyang hika.
"Hindi, anak, basta't dito lang kayo sa loob ng bahay at huwag matigas ang mga ulo kapag pinagsasabihan, ha?, " ang sagot niya, sabay himas sa mahabang buhok nito.
"Pero, mama, paano kami makakapasok sa eskwela kung hindi kami makakalabas? Paano yung cheering practice namin para sa sportsfest?," ang tanong naman ng kanyang panganay na anak.
"Hindi ko pa alam kung anong mangyayari. Wala pang notice galing sa prinsipal ng eskwelahan ninyo," sagot niya naman.
"Sana walang pasok!," ang hiyaw naman ng kanyang ikalawang anak na lalaki.
Natawa na lamang ang lahat sa sinabi nito. At sa loob ng kanilang tahanan, ramdam ng mag-asawa ang pagkabahala ng kanilang mga anak. Hindi sila makapag-bigay ng eksaktong kasagutan, kung kaya't inaya nila ang mga ito na mamasyal sa mall para mapalitan ng ngiti ang kanilang mga mukhang puno ng pag-aalala.
Pagkatapos nilang manood ng sine, namili sila ng mga pagkain at baon ng mga bata. Sa loob ng supermarket, siksikan na ang mga tao kung kaya't kaunti na lang din ang nabili nila. Babalik na lang daw silang mag-asawa sa kalagitnaan ng linggo para kumpletuhin ang kanilang kailangan sa bahay.
"Papa, bakit andaming binibili na tisyu nung babae?, " ang tanong ng bunso sa kanyang ama na siyang nakahawak sa kanyang kamay.
"Baka kailangan lang talaga nila, anak. O, sige na pumili ka na ng gusto mong baon," ang udyok na sabi ng ama sabay hawak sa kamay ng kanyang anak papunta sa mga tinapay at mga biskwit.
Sa malayong banda ng supermarket, may narinig si Miya ng malalakas na hiyawan. Dalawang babae, isang Pilipina at isang Intsik ang nag-aaway. Inubuhan raw ng babaeng Intsik ang mga panindang de-lata. Sinaway daw sya ng Pilipina kung kaya’t nagalit ito at itinulak ang isa. Kaya’t pagkabawi mula sa kanyang pagkakasindak, agad na itinulak rin ng Pilipina ang babaeng Intsik at saka na sila nagsigawan at nagsabunutan. Sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan dahil sa magkaibang lengwahe, napaiyak na lamang ang Intsik at umupo ito sa sahig, inuubo at bigla na lamang nawalan ng malay. Kung kaya’t naghiyawan na ang mga taong nakapalibot sa kanila. Biglang dumating ang mga gwardiya at pilit na ginising ang babaeng nakahiga sa sahig. Ilang minuto ring ginigising ito, at pagkabangon agad na umubo ulit sa harap ng maraming taong nakapalibot sa kanya at saka nawalan ulit ng malay.
II. Ang Pagkalat
“Mama, ano po ang nangyari?, “ ang tanong ng kanyang panganay na anak.
“Hindi ko pa alam, ‘nak. Buti pa bilisan na natin para makalabas tayo agad dito. Tawagin mo na ang papa at mga kapatid mo para makauwi na tayo.,” ang sabi ni Miya na tila may pag-aalala sa boses.
Nasa pila na sila ng kanyang asawa nang narinig nila ang tunog ng ambulansya sa labas ng supermarket. Hindi na lang niya ipinahalata na nag-aalala siya dun sa babaeng Intsik na inubo at nawalan ng malay. Basta maka-alis silang pamilya sa lugar na iyon at makakuha ng balita sa ospital kung saan isa siyang nurse.
“Heto na, honey,” ang sabi ng asawa. “Andito na lahat sa cart ang mga plastic bags. Halina kayo,” ang pagyayaya ni Romy sa kanyang asawa’t mga anak.
“O, hindi na tayo magda-drive thru, ha,” ang paalala nito sa mga anak.
Nang makarating sila sa kanilang bahay, agad na tumawag si Miya sa ospital. May duty siya nang gabing iyon at kabilang sa kaniyang paghahanda ang kausapin ang kaibigang si Ella, na isang nurse sa ER, nang tungkol sa mga kaso sa ospital.
“Doon pala dinala sa ospital namin yung babae kanina. Nasa ER raw ngayon at hindi pa rin nagigising,” ang sinabi ni Miya sa kanyang asawa.
“Baka over-fatigue lang yun. So, hindi pa alam kung ano ang sakit nya?,” ang tanong ni Romy.
“Nagte-test pa sila. Mamaya pa nila malalaman yung resulta. Namumutla raw yung pasyente at tila hirap huminga,” sabi ni Miya.
“O, asthma. Naku, usong-uso pa naman yan ngayon dahil sa init ng panahon. Kapag nandun ka na mamaya pwede mo namang i-check kung ano ang results ng blood test niya at saka mo kami sabihan dito,” ang pagmumungkahi ng kanyang asawa.
“Sige, itawag ko sa inyo para may closure iyong shock natin kanina sa supermarket, “ pagbibiro pang sabi ni Miya.
Naghanda na sila ng hapunan at pagkakain ay agad namang naghanda na si Miya sa kanyang pagpasok. Si Romy ang taga-hatid niya na hindi kasama ang mga anak. Nasa kwarto na ang mga ito at busy sa kani-kanilang cellphone. Tuwing weekends lang sila nakakagamit ng gadgets nila para maka-focus sa kanilang assignments. Agad namang nagpa-alam si Miya sa kanila at humalik ang mga ito sa kanya.
“Mama, ingat po kayo,” ang malambing na sabi ng bunsong anak, sabay halik sa pisngi ng ina.
“Salamat, anak. O, huwag kayong magpupuyat ha. Pagbalik ng papa nyo, siya na ang magpapatulog sa inyo. Sumunod kayo,” ang paalala niya.
Habang papunta na sila sa ospital, nakatanggap ng tawag si Miya mula kay Ella.
“Mi, coming ka na ba? May emergency dito, eh. Kaya tinawagan kita para hindi ka muna pumunta sa ER,” ang sabi ng kaibigan.
“Oo, malapit na kami. Bakit ano’ng nangyari?,” ang tanong naman ni Miya.
“Ah, na contaminate na yung ER. Dumating na yung results ng pasyente. At gising na rin sya. Inuubo at nagsusuka. Mataas rin ang lagnat. Minsan giniginaw at nanginginig. Kinukumpirma pa ang disease nya. Pero ang suspetsa yung corona virus ang dahilan,” ang sagot ng kanyang kaibigan.
III.Ang Kaguluhan
Inabutan nga ni Miya na nagkakagulo na sa loob ng ER ang mga duktor at nurses upang mahiwalay ang pasyenteng pinaghihinalaang may covid. Nakatingin na lamang siya mula sa salamin ng pintuan at sumenyas sa kaibigan naka-mask at hazmat suit na. Unang na-expose si Ella dahil siya ang tumatanggap sa mga pasyente sa ER. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
“Kumusta na?,” ang tanong ni Miya mula sa kabilang pinto.
“Hindi maganda, besh. Mukhang malala ang sitwasyon ng pasyente. Ching Chao Wei ang pangalan ng pasyente, turista galing sa Wuhan, China na dumating dito sa siyudad noong January 15. Mag-isa lang siya,” ang pagbabahagi ni Ella sa kaibigan.
“Ano na ang mangyayari sa inyo ngayon? Ika-quarantine kayo, eh. Hinahanda na ang unit dito sa dorm ng ospital para sa inyong lima na nandito sa ER. Kasama n’yo ang mga duktor na naka-duty rin ngayon. Baka 14 days or more daw depende kung may symptoms kayo,” sabi naman ni Miya, sabay senyas na tatawag na lamang siya sa telepono.
“Sige, besh, salamat sa balita. Balik muna ako sa pasyente. Hindi na rin makakalabas ang ibang mga pasyente na naabutan ni Chao Wei. Under monitoring na rin sila,” ang malungkot na sabi ni Ella.
Sa loob ng ER, may sampu pang mga pasyente ang nakahiga dahil sa mga sakit na nararamdaman. Iilan sa kanila ang inuubo na rin at may mga lagnat.
“Nurse Ella, pakisarado na lang ng lahat ng pinto at bintana ng isolation room. Ikaw lang at ako ang pupwedeng pumasok dito para hindi marami ang ma-expose sa pasyente. Paki-check na rin ang oxygen kung umaandar na,” ang utos ni Dr. dela Cruz kay Ella habang pinapakinggan nito ang dibdib at likod ng pasyente gamit ang stethoscope.
Mukhang nahirapan nang huminga si Chao Wei. Mabilis ang pagtaas-baba ng dibdib nito. Nakikita rin sa monitor ang rate ng kanyang pulso na tila bumibilis din. Pagkatapos ng ika-limang spike ng pulso, biglang nanginig ang pasyente. Mabilis na ikinabit ang ventilator dito. Maya-maya pa’y nag-flatline na ang monitor. Pilit na ginawan ng resuscitation ito, ngunit hindi na naka-recover.
“I’m sorry, Doc. Nagawa na natin ang dapat gawin,” ang sabi ni Ella sa duktor na pareho ring na-shock sa bilis ng pangyayari.
“Oo nga, Ella. Pakisulat na lang sa report, time of death ay 1:15 am. Date of death: Marso 20, 2020. Name of deceased: Ching Chao Wei. Cause of death: COVID-19,” ang mala-robot na sabi ng duktor.
“Okay, Doc. Tatawagan ko na rin ang mortuary. Cremation po agad,” ang dugtong ni Ella.
Nang araw rin na iyon, sa ibang mga ospital ng siyudad, ganitong mga eksena rin ang laman ng mga ERs. Kinabukasan, nag-deklara ang Meyor na may lockdown sa siyudad at iniutos niya na:
1. Itigil ang lahat ng negosyo at hindi pwedeng lumabas ng bahay ang mga tao.
2. Bawal ang birthday parties o anumang pagtitipon.
3. Isa lang kada pamilya na kailangang may pass ang pwedeng pumunta sa palengke o botika.
4. Isasara ang mga bangko at malalaking pamilihan.
5. Dapat magsuot ng mask kung lalabas ng bahay.
6. May curfew para sa mga kabataan hanggang edad 21 mula alas- 8 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
7. Hindi pwedeng lumabas ang mga senior citizens.
“Dito muna ako sa ospital matutulog, hon. All hands on deck kaming nurses dito sa ER ngayon. Napakaraming pasyente dito. Isa pa naka-quarantine ang buong ospital at bawal umuwi ang staff sa kani-kanilang bahay sa takot na kumalat ang virus,” ang paalam ni Mia sa kanyang asawa.
“Naku, okay ka lang ba diyan? Mag-ingat ka, mahal. Biglang dumami talaga ang mga kaso ngayon sa buong siyudad. Hindi na nga alam ni Meyor kung paano at saan galing ang mga taong maysakit. Hindi kaya nahawa sila doon sa mall ng naging pasyente niyo diyan?,” ang tanong ni Romy na bakas sa boses ang pag-aalala.
“Posible. Wala pang info galing sa ibang pasyente ngayon kasi inuuna muna ang treatment. Siguro kapag stable na sila, pwede na kaming magtanong. Hon, pwede mo ba akong dalhan ng pampalit na mga damit? Pang-limang araw na para hindi ka mahirapan magdala rito,” ang pakiusap ni Miya kay Romy.
“Oo, sige. Pupunta ako diyan mamaya. Iiwan ko na lang sa guwardiya ang bag. Kilala ko naman ang nagbabantay diyan. Huwag kang mag-aalala, magsusuot ako ng mask at gwantes at magdadala ng alcohol. Siyanga pala, tutal nasa bahay lang naman kami, ikaw na ang tumawag sa mga anak natin kapag may panahon ka,” ang palambing namang sabi ng kanyang bana.
Sa loob lang ng dalawang araw na naka-lockdown ang siyudad, nagkagulo na ang mga tao, lalo na doon sa mga impormal na naninirahan sa tabi ng kanilang subdivision. Wala na silang makain dahil hindi pa naayos ang ayuda na galing kay Meyor. Imbes na nasa loob sila ng kanilang mga bahay, na parang mga kahon sa liit, nagsilabasan sila sa kalsada at doon na naghintay ng tulong.
“Gutom na kami, Meyor! Nasaan na ang tulong na pinangako mo sa amin?,” ang sigaw ng mga tao sa dumaraang kotse na tumigil sa harapan nila.
“Magandang gabi sa inyong lahat! Inaayos pa natin ang tulong para sa lahat. Bukas pwede na ninyong matanggap ang mga ito. Sa ngayon, dapat nasa loob kayo ng bahay ninyo para hindi kayo magkahawahan,” ang pakiusap ni Meyor.
“Pero Meyor, gutom na kaming lahat. Nakadepende sa araw-araw na trabaho ang sweldo namin,” sigaw ng isa pang lalaki na may hawak na sanggol.
Walang nagawa si Meyor kundi ang bigyan ng tig-iisang libo ang kada taong nandoon sa kalsada, at nang nagpasalamat na ang mga ito, bigla na lang lumuwag ang kalsada na dadaanan ni Romy papasok sa subdivision kung saan sila nakatira.
“Mga anak, nandito na ako! Gising pa ba kayo?,” ang bungad na bati ni Romy sa kanyang mga anak nang nakarating na ito sa kanilang bahay.
“Opo, pa. Naglalaro pa po ako ng ML,” ang sagot naman ng anak niyang lalaki. Tuloy na po ang mga girls.
“Mabuti naman kung ganoon. Matulog ka na rin. Bukas tatawag si mama niyo para makapag-usap kayo,” sabi naman ni Romy. Tinungo niya ang kusina at ni-lock ang pinto. Isinara niya na rin ang mga bintana pati na ang mga kurtina.
“Sige, huwag mong kalimutang i-lock ang mga bintana sa mga kuwarto niyo. Goodnight na anak,” sabay halik ni Romy sa noo ng kanyang nagbibinatang anak.
Pagkabihis niya ng damit, agad nitong pinadalhan ng text message ang asawa.
Romy: "Hon, nakita ko si Meyor kanina doon sa labasan ng subdivision. Pinuntahan niya ang mga taong nakatambay sa labas dahil sa gutom. Baka magkagulo rito kung walang matatanggap na ayuda ang mga tao bukas o sa makalawa. Nagbigay lang si Meyor ng pera sa kanila kaya sila pumasok sa mga bahay nila."
Miya: "Sana mabigyan agad sila ng tulong diyan. Delikado ang magutom sila. Baka manggulo or di kaya'y pasukin nila ang mga bahay diyan sa atin. Ano kaya ang magandang gawin?"
Romy: "Maghahanda na rin kami ng mga anak mo rito para kung magkagulo man, aalis na lang kami kaagad. Kukuha muna ako ng quarantine pass para sa apat. Kakausapin ko si Meyor tungkol dito."
Miya: "Mukhang hindi pwede ang ganyang arrangement, hon. Hindi kayo papayagan ni Meyor. Basta kapag nagkakagulo na, umalis na lang kayo agad, at pumunta kina mama sa Sta. Isabel."
Romy: "Okay, hon. Huwag ka nang mag-alala. Kaya na namin ito. Ingat ka diyan palagi."
Miya: "Kayo rin diyan, hon. Tawagan mo lang ako kung anuman ang mangyari. Goodnight na."
IV. Ang Pagtatapos
Madaling araw na nang nakarinig si Romy ng isang malakas at masigabong tunog. Kasunod nito ang pagkawala ng kuryente sa bahay nila. Agad nyang pinuntahan ang mga anak at ginising ang mga ito. Marahil ito na ang sinasabing kaguluhan na bulong-bulungan kanina sa labas ng subdivision nila. Sumilip siya sa bintana ng mga anak na babae. Madilim at maingay na sa labas. Hindi nya maaninag kung ano ang nangyayari sa kalsada.
"Mga anak, gising kayo! Magbihis na kayo at aalis muna tayo," ang pigil-hiningang sabi ni Romy sa mga anak.
"Bakit, pa? Ano'ng nangyayari?," tanong ng panganay na inaantok pa.
"Nagkakagulo na sa labas, anak. Kailangan natin pumunta kina Lola mo sa Sta. Isabel. Magbihis na kayo at magdala ng coat. Lahat ng gamit na kailangan natin nasa sasakyan na," ang sagot naman ng ama.
"Pero paano si Mama, pa? Hindi ba siya makakasama sa atin?," ang tanong naman ng isang anak na lalaki.
"Hindi siya makakalabas sa ospital, anak. Naka-quarantine silang lahat para hindi makahawa sa iba. Tatawagan na lang natin siya kapag nakalabas na tayo sa subdivision," ang mahinahon na sagot ni Romy.
"Ready na kami, pa!," ang sabay-sabay nilang pagkakasabi sa ama.
"Sige, mga anak. Hintayin n'yo ako sa sala. Ila-lock ko muna ang lahat ng pinto. Dapat naka-secure ang bahay natin bago tayo umalis. O, ayan, 'lika na kayo," ang aya ng ama sa tatlong anak.
Nang naka-pwesto na sila sa sasakyan, tinawagan ni Romy ang asawang naka-quarantine, sasabihan na paalis na sila at papunta na sa bahay ng mama nito, sa Sta. Isabel na 24 kilometro ang layo. Ngunit walang sumasagot sa cellphone nito sa ilang beses na pagtawag nito. Hindi na nagpahalata si Romy ng kanyang kaba sa harap ng mga anak.
“Baka busy pa si mama n’yo sa mga pasyente. Umalis na lang tayo. Tawagan na lang ulit natin kapag nakarating na tayo sa mga lola n’yo,” ang mahinahong sabi ni Romy sa mga anak na tila nag-aalala na rin. Bakas sa mga mukha nila ang kaba.
“Sige, po, papa. Baka po maraming pasyente ngayon sa ER,” ang sagot ng kanyang panganay na babae.
“O, sandali lang at bubuksan ko ang gate,” ang sabi ni Romy.
Nang handang buksan ang gate, narinig nyang nagsisigawan na ang mga taga-dulunan. May mga dala itong flashlights at kandila. Madilim pa rin sa kalsada maski na may mga dala-dalang ilaw ang mga taong nagmamartsa sa daan.
“Hindi ho kayo pwedeng umalis dyan sa bahay nyo! Sa loob lang ho kayo!, “ ang sigaw ng isang lalaking may hawak na flashlight.
“Pupunta ho kami sa mga biyenan ko. Natatakot ang mga anak ko rito at may asthma ang isa sa kanila. Kailangan namin ng kuryente para sa inhaler nya,” ang paliwanag ni Romy.
“Hindi kayo makakalusot sa dami ng mga taong nag-mamartsa sa labas ng subdivision,” ang sagot naman ng isa.
Hindi na hinintay ni Romy na magsalita pa ulit ang taong kausap nya sa labas ng gate. Pagkatapos na mailabas ang sasakyan at nai-lock ang gate, agad na itong umupo. Tinawagan nya ulit si Miya. Ngunit gaya ng mga naunang tawag, walang sumasagot sa cellphone nito.
"Papa, tawagan mo si Ninang Ella," ang sabi ng panganay na anak.
"Tinawagan ko na kanina nung nasa loob tayo ng bahay. Wala ring sumasagot, eh," ang sagot ni Romy.
"Ano'ng ingay yun? Bakit biglang may sumiklab?," ang nanginginig na tanong ng bunsong babae.
"Naku, delikado kapag lumabas tayo rito sa subdivision. Nagkakagulo na sa labas. Baka masaktan kayo kapag tumuloy pa tayo," ang paliwanag ni Romy pagkatapos iatras ang sasakyan upang ipasok sa kanilang garahe.
Bumaba ito sandali upang buksan ang gate. At pagkatalikod nito, narinig niya ang sunod-sunod na putok ng baril at nakita ang mga taong sumisigaw na nagtatakbuhan. Nakita niyang may nakahandusay na isang duguang lalaki sa unahan ng kanyang sasakyan. Tinamaan ito sa ulo.
"Papa, may dugo ang ulo ni Ate!," ang narinig niyang sigaw ng anak na lalaki.
"Ano'ng nangyari?," agad na sagot nito.
Hindi sumagot ang anak na panganay nang tinawag niya ang pangalan nito. Biglang dumilim ang kanyang paligid nang hindi niya naramdaman ang pulso ng anak. Wala siyang narinig na ingay kundi ang alingawngaw ng napakalakas na sigaw.